Ang Wikang Filipino sa Kasalukuyan:
Tungkulin at Suliranin
ni Kakoi Abeleda
Lubhang nakababagabag ang naging panukala ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo tungkol sa paggamit ng wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo na ipatutupad sa mga paaralang pampubliko. Idinadahilan niyang kailangang mahasa nang husto ang mga Pilipino sa wikang Ingles upang makasabay sa mundong lugmok na sa globalisasyon. Ayon sa kanya, higit na bumilis ang pag-unlad ng Pilipinas noong panahong mataas ang literacy rate ng bansa kaysa mga kapitbahay nating mga Asyano tulad ng Thailand, Indonesia, at Singapore. Idinahilan din niyang ang malawak na pagpapalaganap ng Ingles sa mga bansang ito ang siyang naging sanhi ng pagbulusok ng mga ekonomiya nito.
Marahil, tama siya na malaki ang naitulong at maitutulong ng pagpapalaganap ng wikang Ingles sa ekonomiya ng mga bansang kabilang sa Ikatlong Mundo. Ngunit, naaayon sa konteksto ang kahulugan ng pag-unlad. Anong uri ba ng pag-unlad ang inaasahan niya? Malinaw na nais niyang ihain ang mga Pilipino sa mga kumpanyang banyaga, upang magsilbi bilang mga manggagawa. Higit daw na pinipili ng mga dayuhang kompanya ngayon na ibase ang kanilang operasyon sa mga lugar kung saan mataas ang literacy rate at kung saan marunong ng Ingles ang mga mangagawa.
Malaki ang suliranin ng pagdadahilang ito. Una, nangangahulugan ito ng pagsuko sa mga kagustuhan ng mga dayuhan na pawang nais lamang samantalahin ang murang pasahod na matatagpuan sa mga bansang tulad ng Pilipinas. Kung ganyan na lamang ang ating iisipin, umasa na lamang tayo sa mga dayuhan upang iangat ang ating ekonomiya habang-buhay.
Isa pa, walang pagsasalin ng teknolohiya na nagaganap. Nasakyan na ng mga mauunlad na bansa tulad ng Amerika, Pransiya, Alemanya, at ng Hapon ang Ikatlong Daluyong (Third Wave) ng Teknolohiya. Nangangahulugan na may kapangyarihan, kakayahan, at awtonomiya na sila sa kung ano’ng teknolohiya ang nais nilang buuin. Sila ang nangunguna sa larangan ng teknolohiya. Ngunit hindi naisasalin sa mga bansang tulad ng Pilipinas ang mga teknolohiyang ito. Nagsisilbi lamang tayo bilang mga manggagawa nila.
Halimbawa na lamang nito ang Microsoft Philippines. Ayon sa Microsoft Philippines, nagsisilbi lamang tayo bilang distribution center ng Microsoft sa Asya. Hindi tinuturuan ang mga Pilipino na bumuo ng mga produkto ng Microsoft. Sa gayon, hindi nagkakaroon ang Pilipinas ng kapangyarihang bumuo ng mga teknolohiya na katulad ng sa Microsoft at palagi na lamang itong mag-aangkat ng produkto mula sa Amerika. Walang nagaganap na technology transfer.
Sa napipintong pagkabuwag ng mga hadlang sa pakikipagkalakalan na idudulot ng globalisasyon, mahalaga nga na makasabay ang Pilipinas sa agos ng panahon. Ngunit, itanong muna natin, “Anong mukha ang ihaharap ng Pilipinas sa mundo, gayong tila wala itong iisang mukha?”.
Ang Papel ng Wika sa Pagbubuo ng Bansa
Hindi pipitsuging papel ang gagampanan ng wikang Pilipino sa pagbubuo ng isang pambansang identidad o kaakuhan ng Pilipinas, lalo na sa kumukubabaw na konsepto ng globalisasyon. Mahalagang mabuo muna ang identidad ng isang bansa bago ito sumabak sa proseso ng globalisasyon. Kung hindi, malamang malamon ito ng mga higit na makapangyarihang kultura at mamatay ang higit na mahinang kultura bansang iyon. Sentido kumon ang magsasabi na sa kalagayang pangkultura at pang-ekonomiya ng Pilipinas sa kasalukuyan, madali tayong malalamon (kung hindi pa nga nangyayari) ng kulturang Amerikano at Kanluranin. Upang higit nating maunawaan ang papel na gagampanan at pati na rin ang mga suliraning kinahaharap ng wikang Pilipino sa pagbubuo ng pambansang kamalayan, ilang teoretikal na oryentasyon ang ilalahad namin.
May tinatawag si Zeus Salazar na “Pantayong Pananaw”, at ito ang kaganapan ng pagkabuo ng pambansang identidad. Apat na pananaw ang maaaring maging lumaganap sa isang lipunan: Ang Pantayo, Pangkami, Pangsila, at Pangkayo. Sa madaling sabi, tinutukoy ng mga ito ang punto-de-bistang ginagamit ng mga Pilipino kung nakikipag-usap sa mga banyaga o kaya’y sa mga kapwa Pilipino. Kung gagamitin ang Pangkaming pananaw, masasabing ang nagsasalita ay kabilang sa isang sistema o lipunan na kumakausap sa isang tagalabas tungkol sa kaniyang sistema o lipunan. Sa Pangsila, nagmumula ang tinig sa isang taga-loob (ng sistema o lipunan) patungo sa kapwa niya taga-loob ngunit tungkol sa banyaga o tagalabas ang ipinapahayag nito. Ang Pangkayong pananaw naman ay ginagamit ng isang tagaloob upang kausapin ang isang tagalabas tungkol sa kultura, halimbawa lamang, ng tagalabas na iton. Kung gayon, ganito ang sinasabi ng tatlong pananaw na ito: sa Pangkami, “Eto kami. Ganito kami.”; sa Pangsila, “Eto sila, at ganito sila.”; sa Pangkayo, “Kayo, ganito at ganiyan kayo.”.
Dalhin natin sa ibang nibel ang paglalapat ng tatlong pananaw sa ibang pangungusap. Sa Pangkami, “Eto kaming mga Pilipino. Ganito at ganiyan kami. Masipag kami. Maganda ang mga isla naming. Mura ang paggawa sa amin. Magaling mag-Ingles ang mga taga sa’min.” Sa Pangsila, “Eto ang mga ‘Kano. Ganito sila manamit at magsalita: Hey yo! Mahilig sila sa mga pelikulang maaksyon at MTV. (Kaya’t maghe-hey yo! na rin ako at magbababad sa panonood ng MTV.)”. Sa Pangkayo, “A! Kayong mga Pilipino, ang babaho niyo! Mga unggoy kayo! Ang tatamad ninyo!”.
Pamilyar ba ang mga linyang ito? Ang suliranin ng Pangkaming Pananaw (na siyang madalas namamayani sa mga kolonisado/dating kolonisadong bansa): Kailangang basbasan ng mga dayuhan ang kahit na anong gawa sa isang bansa. Kung hindi ito maituturing na maganda ng mga banyaga, hindi ito ituturing na maganda sa lipunang iyon.
Sa Pantayong pananaw naman, nagmumula ang tinig sa tagaloob, tungo sa tagaloob, at tungkol sa sistema o lipunang kinabibilangan ng mga tagaloob. Sarado ang sistemang ito at nagkakaunawaan ang lahat ng kabilang dito. Kung ano ang realidad para sa isa, siya ring realidad para sa iba. Kilala ng bawat isa ang sistema, at may kakayahan silang gumalaw bilang isa. Sa madaling sabi, may identidad o kaakuhan ang sistema o lipunang ito.
Ngunit hindi ganoon kadali ang pagbubuo ng Pantayong pananaw. Kinakailangang magkaintindihan ang bawat isa sa sistema. At magaganap lamang ito kung may iisang code, ang sariling wika. Ito ang nagiging daan ng mabisang pakikipagtalastasan sa bawat kasapi ng sistema, at dito rin napapalaman ang kultura, kaisipan, at diwa ng isang sibilisasyon:
Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang pagkakaroon ng iisang wika bilang batayan at daluyan ng pang-unawa at komunikasyon. (Salazar, 1988)
Ngunit kung isasaalang-alang natin ang pagiging dating kolonisadong bansa ng Pilipinas (sa teritoryal at pangkaisipang antas), makikita nating hindi madali ang makabuo ng isang Pantayong pananaw, ng Pambansang Identidad, at lalo na ng malawakang pagkaka-unawa sa sariling wika.
Ang Problema sa Wika ng mga Lipunang Sakop
Sa kaniyang sikolohikal na pag-aaral sa mga Negro ng Antilles na kinukubabawan ng mga koloniyalistang Pranses, nakabuo si Frantz Fanon ng isang pananaw tungkol sa relasyon ng mga (dating) kolonisadong sibilisasyon sa sariling wika nito. Para sa kaniya, tulad ng ating nasabi na, malaking papel ang ginagampanan ng wika:
To speak means to be in position to use a certain syntax, to grasp the morphology of this or that language, but it means above all to assume a culture, to support the weight of a civilization . . . Mastery of language affords remarkable power. Paul Valery knew this, for he called language ‘the god gone astray in the flesh’. (Fanon, 1968: 14)
Ayon pa kay Fanon, iniisip ng mga nasakop na higit silang magiging tao kung tutulad sila sa mga mananakop. Sanhi ng matinding panliliit na ipinadama sa kanya ng lahing puti, sisikapin ng isang Negro o Asyano na itaas ang kanyang sarili sa antas ng mananakop. Dulot ng tendensiya ng mga mananakop na maliitin ang mga kaugalian, pagpapahalaga, at kultura ng kanilang nasakop, maaaring a) maniwala ang sinasakop, b) naisin ng sakop na itakwil ang kanyang kultura at halinhan ito ng kultura ng mananakop, o, c) patunayang may kakayahan ang kanyang kulturang makapapantay sa kultura ng mananakop.
Halimbawa na lamang nito ang tinatayang “Unang Yugto ng Kritisismong Pamapanitikan sa Pilipinas.” Sa “Poetikang Tagalog” ni Virgilio Almario, inilahad niya ang mga unang halimbawa ng kritisismo sa Pilipinas. Kabilang sa kalipunang ito ang mga isinulat nina Fray Bencuchillo, Fray San Agustin, Jose Rizal, at Marcelo H. del Pilar. Sa mga sanaysay na ito, makikita ang tunggalian ng mga prayle at propagandista. Sa isang panig, tinatangkang patunayan ng mga prayle na walang panitikan ang mga Pilipino, o kung mayroon man, patunayang mababa ito kung ihahambing sa panitikang Kastila. Sa kabilang banda naman, pinilit ng mga propagandista na patunayan ang pagkakaroon ng isang taal at mapagmamalaking panitikan ng lahing Pilipino.
Binanggit din ni Fanon ang kongklusyon ni D. Westermann tungkol sa mga edukadong Negro, na nailathala naman sa magasing The African Today:
The Negroes’ inferiority complex is particularly intensified among the most educated, who must struggle with it unceasingly. (Fanon, 1968: 19)
Maiintindihan natin ang kanyang hinuha: To speak a language is to take on a world, a culture. . . .who wants to be white will be the whiter as he gains mastery of the cultural tool that language is. (Fanon, 1968: 29)
Ang Intelektwalisasyon ng Wikang Pilipino
Sa kanyang sanaysay na “Pilipino Para Sa Mga Intelektwal,” tinalakay ni Rolando S. Tinio ang dalawa sa maraming mga hadlang na kinahaharap ng wikang Filipino tungo sa intelektwalisasyon nito. Una, ipinalalagay ng mga Pilipino na walang kakayahan ang kanilang wika bilang wikang intelektwal. At ikalawa, nangangamba ang mga Pilipino na maiwan sa kaunlarang pag-iisip kung tumiwalag tayo sa wikang Ingles:
. . . ganito pa rin ang nangyayaring palagay – mabisang gamitin ang Pilipino sa mga karaniwang sitwasyon, ngunit sa mga sitwasyon espesyal, Ingles pa rin ang kinakailangan. (Tinio, 1975)
Sapagkat sa wikang Ingles napapalaman ang maraming dalumat at kaalaman, lalo na sa Agham at Teknolohiya, at Matematika, hindi maiiwasang dito mahasa ang mga intelektwal ng ating bansa (hindi namin sinasabing ang mga dalubhasa lamang sa Agham at Matematika ang mga intelektwal, ngunit tulad ng pagpapalagay ni GMA, sa mga propesyong ito nakasalalay ang pag-unlad ng bansa).
Ngunit hindi ito problema, kung sa mga terminong gagamitin ang pag-uusapan, ani Tinio:
. . . maaaring itawag ang anumang salita (katutubo o dayuhan) para sa mga bagay. Tulad ng sa mga ngalan ng tao, hindi kailangan ng makabuluhang pag-uugnay ng pangalan at ng pinapangalanan. (Tinio, 1975)
Katulad rin ng sinabi ni Fanon, kinilala ni Tinio ang kahalagahan ng wika. Para sa kanya, ito ang nagtataglay ng larawan o krokis ng diwa ng isang lahi. Makikita rito kung ano ang pinahahalagahan (tunay) ng isang lahi at kung ano ang walang katuturan (di-tunay).
Sa sanaysay naman ni Dr. Florentino H. Hornedo, “Ang Wikang Filipino Tungo sa Intelektwalisasyon,” higit nating mababanaag ang doble-karang paggamit sa wikang Filipino. Ayon sa kanya, dumadaan ang mga kabihasnan sa dalawang antas ng pag-unlad ng pag-iisip. Para sa pagpapahayag ng damdamin, ninanasa, o hangarin, ang Vital Thought o Diwang Buhay ang umiiral. Ngunit sa antas ng pagpapahayag ng mapanimbang na pag-iisip o pagmumuni (dulot ng mapanuring kamalayan), umiiral ang Reflexive Thought o Diwang Malay. Kung gayon, magkakatotoo lamang ang intelektwalisasyon ng ating wika, kung itataas natin ito sa antas ng Diwang Malay:
At magagawa lamang ito sa pamamagitan ng puspusang paggamit nito sa mga larangang intelektwal tulad ng pagtuturo sa antas tersiyaryo at eskwelahang gradwado, sa pagsulat ng mga akda sa pilosopiya, agham at teknolohiya. (Hornedo)
Kung gayon, mahihinuhang may kakayahan ang wikang Pilipino na pumantay sa wikang Ingles pagdating sa larangan ng Agham at Teknolohiya, pati na rin Matematika, Pilosopiya, at lalong-lalo na sa Humanidades. Kinakailangan lamang, marahil, ng tuloy-tuloy na paggamit at pagsasanay dito upang higit pang yumaman ang kalipunan nito ng salita at kakayahang pang-gramatika. Hindi nga naman ito yayaman ng katulad sa wikang Ingles kung hindi gagamitin sa mga larangang intelektwal, sa nibel ng Diwang Malay (ang mga espesyal na sitwasyong binaggit ni Tinio), at hindi lamang sa antas ng Diwang Buhay (ang pangkaraniwang sitwasyon).
No comments:
Post a Comment