Tuwing ipagmamalaki ni Senador Blas F. Ople ang kahalagahan ng wikang pambansa, malimit niyang banggitin ang naging pangangailangan sa isang Shakespeare upang kilalanin ang Ingles, sa isang Dante upang maging wika ng buong Italya ang wika ng kanyang Commedia, o sa isang Alexander Pushkin upang igalang ang wikang Ruso sa kaniyang bansa. Tagapagdiin siya ng paniwala na napakalaki ng tungkulin ng dakilang mga akda tunggo sa paggalang at pagtanggap sa isang wikang katutubo upang piliing wika ng isang bansa mula sa hanay ng kalipunan ng iba pang wikang katutubo. Ito halimbawa ang saloobin ng kaniyang pahayag na Chaucer ng Tagalog si Balagtas.

Kung sa bagay, panitikan ang pinakasukdulang patotoo ng pag-unlad ng isang wika. At tiyak na masasabing inihatid ni Francisco Balagtas ang wikang Tagalog sa isang karurukan, sa pamamagitan ng 'Florante at Laura.' Ginampanan niya sa wikang Tagalog ang paglilingkod ni Chaucer sa wikang Ingles. Katulad ni Chaucer, ang mahusay na pagkasulat ni Balagtas sa Florante at Laura ay makatatawid sa lahat ng balakid at mga suliranin ng wikang Tagalog.

Gayunman, alam natin mula sa kasaysayan ng mga wikang pambansa sa buong mundo na may iba pang mga kondisyon at pangangailangan upang lubusang tanggapin at lumaganap ang isang wikang pambansa. Isa dito ang pagiging wika sa makapangyarihang mga larang ng lipunan. Totoo na kahit pagkatapos ni Balagtas ay maraming sumunod pang mga dakilang manunulat, mula kina Bonifacio, Jacinto hanggang kina Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus, Hermogenes Ilagan, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, at napakahabang listahan na luminang sa Tagalog bilang makabuluhan at mabisang wika ng panitikan. Ngunit hindi sila binabasa ng mga mayayamang negosyante at makapangyarihang mga politiko. Nagdedebate sa Ingles ang mga mambabatas sa Kongreso at nililitis sa tulong ng Ingles ang mga kaso mula sa pinakamababa hanggang sa kataas-taasang hukuman ng Filipinas. Hanggang ngayon, Ingles ang namamayaning wika ng karunungan. Maliban sa mga aklat sa pagtuturo ng Filipino at araling panlipunan, nakasulat at pinag-aaralan sa Ingles ang mga textbuk sa mataas na antas ng edukasyong Filipino.

Ito ang realidad na laging inuukilkil ni Dr. Bonifacio Sibayan upang laging ibimbin ang kaniyang propesiya sa totohanang pagkilala sa Filipino bilang wikang pambansa. At ito rin ang pangunahing sandata ng mga Inglesero upang ipagmalaking mahirap mapantayan man lamang ng wikang Filipino ang tungkulin ng Ingles sa lipunang Filipino. Hanggang di nagbabago ang sitwasyon, alinsunod sa analisis ni Dr. Sibayan, hindi dapat madaliin ang pagsasa-Filipino ng pagtuturo. Sa halip, dapat pang hintayin ang mahabang panahon upang matupad ang kanyang hula na magtatagumpay ang Filipino pagkatapos ng isang siglo na kung sisimulan sa 2000 ay nangangahulugan ng katuparan sa 2100.

Para sa mga tulad ni Dr. Sibayan, dapat nang matuwa ang mga makawikang Filipino sapagkat sandaang taon na lamang ang dapat ipaghintay bago sila magtagumpay.

Ngunit may ipokrisya sa likod ng naturang propesiya. Ipokrisya itong tahimik sa hanay ng mga politiko at edukadong nagkukunwaring hindi kaaway. Ipokrisya itong talamak sa hanay ng mga politiko at edukadong nagkukunwang hindi kaaway ng wikang pambansa. O kung tutuusin, ito ang ipokrisya ng buong burukrasya at mataas na lipunang nais lumitaw na hindi sumasalungat sa tadhanang pangwika ng Konstitusyong 1936 hanggang Konstitusyong 1987 bagaman higit na makiling sa pananatili ng kasalukuyang kalagayan dahil sa higit na makikinabang sa patututuloy na pananaig ng Ingles. At mga edukadong ito ang patuloy na nagsasabing hindi sapat ang kahandaan ng sambayanan para sa Filipino samantalang ibinabandila ang pakinabang sa Ingles.

Kaya't maitatanong: Ano ba ang kanilang ginawa upang malunasan ang sinasabi nilang limitasyon ng wikang Filipino? Ano bang programa ang itinaguyod ng tulad ni Dr. Sibayan upang mapabilis ang hinuhulaan niyang panahon ng transisyon mula sa status quo tungo sa malawakang paggamit ng wikang Filipino? Ano bang dagdag na badyet ang idinulot ng mga politiko bilang wika ng akademya?

Umunlad ang Filipino at patuloy na lumaganap, ngunit sa kabila ng kawalang-malasakit ng mga opisyal ng pamahalaan at pagwawalang-bahala ng mga mayaman, makapangyarihan at nakapag-aral sa Filipinas. Kung naging dibdiban ang pagplaplanong pangwika sa likod ng Surian ng Wikang Pambansa (o ng Komisyon sa Wikang Filipino ngayon) at kung nagkainteres man lamang ang mga opisyal ng DECS at CHED upang linangin ang wika bialng wika ng akademya, marahil higit na malayo na ang pagsulong at tagumpay ng wikang pambansa.

Filipino sa U.P.

May mga progresibong palantandaan sa Unibersidad ng Pilipinas. Dito lamang may maipagmamalaking Patakarang Pangwika na tumatangkilik sa wikang Filipino at inaprobahan ng Board of Regents nito noong 1989. Sinundan ito pagkatapos ng pagtatayo ng Sentro ng Wikang Filipino sa ilalim ng opisina ng Pangulo ng U.P. Nagtakda ang Sentro ng mga target na taon upang simulan ang paggamit ng wikang Filipino sa mga klase sa iba't-ibang disiplina at realista ang iba't ibang programang target para sa mga kampus sa Diliman, Los Baños, Maynila, at Kabisayaan.

Ngunit nagdaan ang administrasyon ni Pangulong Jose Abueva nang walang nasunod sa alinmang target ng Sentro. Ang sitwasyong ito ang pinaglimian namin ni Pangulong Emil Q. Javier nang hirangin niya akong direcktor ng Sentro. Natukoy namin ang dalawang malaking suliranin sa pagpapairal ng isang patakarang pangwikang maka-Filipino sa loob at labas man ng U.P. Una, nangangailangan ng mga babasahin at gamit panturo sa Filipino, lalo sa mga larang ng agham, matematika, at teknolohiya. Ikalawa, nangangailangan ng pagkakasundo sa uri ng Filipino na palalaganapin sa unibersidad, ang ibig sabihin, ang uri ng Filipino na magiging modelo ng wikang panturo at wika ng pag-aaral.

Malinaw sa unang nabanggit na suliranin ang pagkaligta sa pagdevelop ng mga babasahin, lalo na ang textbuk, para magamit sa mga silid-aralan. Sa kabila ng pagbanggit sa bagay na ito sa mismong antas para sa programang bilingguwal sa edukasyon tungo sa pag-iral paglaon ng wikang Filipino at waring nilimot ang ganitong paghahanda ng mga opisyal ng DECS at ng buong pamahalaan. Sa kabila ng ulit-ulit na pagtuligsa sa bagay na ito ng mga anti-Filipino, hindi nagising ang Surian (at hanggang ngayon, ang Komisyon sa Wikang Filipino) sa napakalaki at napakahalagang pangangailangang ito. Sapagkat paanong gagamiting panturo sa agham ang Filipino kung walang magagamit man lamang na kahit isang textbuk? Dapat bang lumikha lamang ng naturang textbuk kapag may desisyong nang gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng agham?

Sa kabilang dako, hindi maipagkakaila na nalilito kahit ang mga guro ng Filipino sa nagbabanggaang mga panukalang uri at anyo ng wikang Filipino sa kasalukuyan. Pagkatapos baguhin ang pangalan ng wikang pambansa mula "Pilipino" tungo sa "Filipino" at repormahin ang alpabeto tungo sa pagkakaroon ng 28 titik, dapat lamang asahan ang pagsulpot ng mga haka at panukala upang makaahon ang wikang pambansa mula sa kumunoy ng "purismo" at makaagpang sa mga hamon ng intelektuwalisasyon. Hindi rin maikakaila na may aktibong pangkat sa unibersidad na may reputasyon sa pagsusulong ng tinatawag na "U.P. Filipino" na tiyaking salungat sa paraan ng paggamit sa alpabetong may 28 titik na binuo ni Dr. Alfonso Santiago at siyang pinalalaganap ng Komisyon. Dapat ding banggitin na may pinairal na stylebook ang De La Salle University Press at ginagamit ito sa mga limbag na aklat sa Filipino. Samantala, patuloy na sinusunod ng Liwayway at mga malaganap na tabloyd (maliban sa Abante) ang lumang paraan ng pagbaybay na may alapabetong 20 titik.

Iba't-ibang kampanya ang inilunsad ng Sentro noong 1993 upang harapin ang dalawang naturang pangunahing suliranin. Halimbawa, inilunsad ang timpalak Uswag UP Visayas at Timpalak Iluminado Lucente gayundin ang mga Gawad Lope K. Santos at Cecilio Lopez, at nagkaroon ng mga buwanang simposyum pangwika sa iba't ibang kolehiyo ng U.P. Layunin ng mga gawaing ito ang pagpapasigla at pagpapalawak ng pagkilos para sa Filipino sa loob ng Sisteman U.P. Nag-ukol din ng panahon at salapi ang Sentro para sa mga saliksik pangwika, gaya ng pagtitipon sa mga terminong pangkultura mula sa iba't ibang wika, pagsasagawa ng survey hinggil sa estandardisasyon ng mga katawagang pang-akademya, at pana-panahong Bantay-Wika o pagsusuri sa pamamagitan ng computer sa bokabularyong ginagamit sa mga malaganap na peryodiko.

Gayunman, pinakatuon ng estratehiyang pangwika ng Sentro sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Javier ang tatlong malaking proyekto: (1) Sangfil, (2) Aklatang-Bayan, at (3) U.P. Diksyonaryong Filipino.

Itinatag ang Sangfil (Sanggunian ng mga Unibersidad at Kolehiyo sa Filipino) bunga ng isang maghapong pulong noong Oktubre 26, 1994 na dinaluhan ng mga kinatawan ng Kagawaran ng Filipino mula sa DLSU, Ateneo de Manila, Miriam, PNU, PUP, at UP. Nadagdag pa sa mga sumunod na mga pulong ang FEU at CEU bago idinaos ang kongreso ng pagtatatag noong Agosto 10-11, 1995. Sa ikaapat na pambansang kongreso ng Sangfil, umaanot na sa 100 ang kasaping paaralan mula sa iba't ibang rehiyon.

Nang pangunahan ng Sentro ang pagbuklod sa Sangfil, napapatnubayan ito ng layuning pabilisin samantalang pinalalawak ang pag-uusap sa mga maselang isyung pangwika sa loob ng akademya. Isang forum ang bawat pulong at kongreso ng Sangfil upang mapanday ang mga tuntuning pangwika sa paraang demokratiko at sa pamamagitan ng konstruktibong konsensus. Kamakailan, inilathala ng Sentro ang bagong sangguniang aklat sa gramatika na bunga ng pinagbuklod na sikap ng mga kinatawang guro sa Sangfil. Inaasahan na higit pang magiging produktibo ang Sangfil habang tumitiim ang pagkakaisa ng mga kinatawang guro mula sa iba't ibang kolehiyo at unibersidad. Nagiging epektibong sanggunian din ang kongreso upang maipahayag o maitanghal ang mga isyu't suliraning partikular sa mga rehiyon at lokalidad.

Ang Aklatang-Bayan ang unang ambisyosong programa sa paglalathala ng mga textbuk at sangguniang aklat na nakasulat sa wikang Filipino. Sa simula, nakatuon lamang ang programang ito sa seryeng Aklat Paraluman -mga textbuk at sangguniang aklat sa agham at matematika, at sa seryeng Aklat Bulawan - mga importanteng akda noong panahon ng kolonyalismong Espanyol na kailangan sa pagsasaliksik pangwika at pampanitikan. Ngunit lumawak na ngayon ang bisyon ng Aklatang-Bayan upang tunay na makabuo ng isang koleksiyon ng mga akda at aklat na nakasulat o nakasalin sa Filipino, sumasaklaw sa lahat ng disiplinang akademiko, at para sa mga guro't mag-aaral sa hay-iskul at kolehiyo.

Sagot ang Aklatang-Bayan sa sinasabing dahop na kalagayan ng mga babasahin sa Filipino at pagtalimuwang sa naghaharing paniwala na mahirap gamitin ang Filipino sa mga disiplinang nangangailangan ng siyentipiko at modernong pagsusulat ng mga textbuk upang ilahok ang mga propesor mula sa iba't ibang autonomong yunit at magkaroon ng kabuluhan ang bawat aklat para sa buong Sistemang U.P.

Ang "U.P. Diksiyonaryong Filipino" ang ikatlong kasangkapan upang tuluyang masalungat ang mga prehuwisyo at tuligsa laban sa wikang Filipino at maitanghal ang kakayahang pambansa at intelektuwal nito. Isang reperensiya ang "U.P. Diksiyonaryong Filipino" sa kasaysayan ng pag-unlad ng korpus ng wikang pambansa, mula sa sinaunang Tagalog hanggang sa kasalukuyang lingua franca ng Metro Manila. Dibdiban din nitong nilalagom ang mga karanasang pambansa sa pamamagitan ng paglalahok sa iba't ibang saliksik hinggil sa mga lengguwahe, kultura, at katutubong kaligiran ng mga pangkating etniko sa buong kapuluan samantalang maingat na ipinapasok ang mga kabaguhang dulot ng bagong kabihasnan at ipinapahayag sa mga wikang pandaigdig. Kaya sagana ang diksyonaryo sa mga salita mula sa Sebwano, Hiligaynon, Iloko, Bikol, Waray, Kapampangan, gayundin sa mga terminong pangkultura mulang Maranaw, Tausug, Kalinga, Ifugaw, at ibang wikang katutubo. Bukod naman sa dominanteng Ingles at nakamihasnang Espanyol, nakalikom din ang diksyonaryo ng mga katawagan mulang French, German, Italyano, Japanese, Russian, Tsino, Latin, Griyego, Arabe, Hindi, at kahit na Afrikaan.

Ang totoo, nilalagom ng "U.P. Diksiyonaryong Filipino" ang saklaw at konsentrasyon gayundin ang mga lamat at kahinaan ng pagsisikap ng mga manananliksik at iskolar. Sa gayon, sa pamamagitan ng "U.P. Diksiyonaryong Filipino" ay maaring maipaaninag ang lawak at salimuot ng karanasang pambansa samantalang ipinamumukha sa mga edukadong Filipino ang kanilang sariling dahop at makitid na kaalaman. Ang ibig sabihin, hindi dahop ang Filipino bilang wika ng akademya; sa halip, ang mga edukado ang may napakadahop na kaalaman sa paggamit ng Filipino.

Kaya, higit kaninuman, ang mga edukado ang nangangailangan ng isang intelihenteng sangguniang gaya ng "U.P. Diksiyonaryong Filipino."



*Sipi mula sa "Bulawan 4," Journal of Philippine Arts and Culture, na inilathala ng National Commission for Culture and the Arts.

**VIRGILIO S. ALMARIO is a poet, critic, editor, and full professor at the University of the Philippines, Diliman. He is the editor-in-chief for the UP Diksiyonaryong Filipino. He is also one of the country's National Artists in Literature.

The Department of Filipino in DLSU speaks out.

Hindi Ingles ang solusyon sa problema
ng ekonomiya at edukasyon

The Departamento ng Filipino speaks out
As a guardian of the Filipino language, the Filipino Department voiced its position on the recent pronouncement of President Gloria Macapagal-Arroyo directing the Department of Education to shift to English as the medium of instruction. While proficiency in the English language is viewed as an advantage in the globalized economy, particularly in the information technology and services sectors, the Department strongly asserted a dissenting view on the controversial directive.
Kami sa Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle ay mariing tumututol sa pahayag ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kaugnay sa pagpapatindi sa paggamit ng Ingles bilang pangunahing wika sa pagtuturo sa mga paaralan. Kami rin ay nakikiisa sa posisyong inihain ng mga Kagawaran ng Pamantasang Ateneo de Manila, Unibersidad ng Pilipinas, Pamantasang Normal ng Pilipinas, Surian ng Malikhaing Pagsulat ng UP, SANGFIL, PASATAF, PSW at UMPIL.
Sa halip na gumawa ng mga hakbang na magtataguyod sa wikang pambansa, ang pahayag ng pangulo ay isang malinaw na paglabag sa Artikulo XIV, Seksiyon 6 at 7 ng Kontitusyon na nagsasaad na nararapat na payabungin at pagyamanin ang wikang Filipino at paggamit nito bilang isa sa mga wikang panturo sa mga paaralan. Manipestasyon ito ng mababaw na pagpapahalaga sa wikang pambansa.
Bukod dito, hindi isinaalang-alang ng pahayag na ito ang katotohanang matagal nang panahong ginagamit ang Ingles bilang pangunahing wikang panturo ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin ang problema ng bansa sa ekonomiya at edukasyon. Dapat nating alalahanin na ang sagot sa ganitong mga problema ay nakasalalay sa pagpapatibay ng karunungan ng mamamayan at ito ay makakamit sa wikang Filipino. Ang ganitong ideya ay pinatunayan ng mga local at internasyunal na riserts na mas mabilis ang pagkatuto ng bata kapag sa sariling wika nag-aral at ng mga bansang umunlad na gamit ang sariling wika sa pagsasalin ng kaalaman.
Naliligalig din kami na baka ang ganitong pahayag ay bahagi ng pagtalikod ng gobyernong Arroyo sa kanyang responsibilidad. Sa halip na bigyan ng pagkakataon na paunlarin ang ating buhay sa sariling bayan, pinapag-aral tayo ng wikang Ingles at ipinagtatabuyan sa ibang bansa. Manipestasyon ito ng mababaw na pagpapahalaga sa ating mga Filipino.
Naniniwala kami na ang usapin ng wikang Filipino ay hindi lang usapin ng wika. Usapin din ito ng kultura, diwa, kamalayan at kasaysayang Filipino. Kung binibigyang halaga natin ang wika ay binibigyang halaga din natin ang ating pagiging Filipino.Huwag maliitin ang Filipino.

Samu't saring kuro-kuro

Ang Wikang Filipino sa Kasalukuyan:
Tungkulin at Suliranin
ni Kakoi Abeleda

Lubhang nakababagabag ang naging panukala ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo tungkol sa paggamit ng wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo na ipatutupad sa mga paaralang pampubliko. Idinadahilan niyang kailangang mahasa nang husto ang mga Pilipino sa wikang Ingles upang makasabay sa mundong lugmok na sa globalisasyon. Ayon sa kanya, higit na bumilis ang pag-unlad ng Pilipinas noong panahong mataas ang literacy rate ng bansa kaysa mga kapitbahay nating mga Asyano tulad ng Thailand, Indonesia, at Singapore. Idinahilan din niyang ang malawak na pagpapalaganap ng Ingles sa mga bansang ito ang siyang naging sanhi ng pagbulusok ng mga ekonomiya nito.

Marahil, tama siya na malaki ang naitulong at maitutulong ng pagpapalaganap ng wikang Ingles sa ekonomiya ng mga bansang kabilang sa Ikatlong Mundo. Ngunit, naaayon sa konteksto ang kahulugan ng pag-unlad. Anong uri ba ng pag-unlad ang inaasahan niya? Malinaw na nais niyang ihain ang mga Pilipino sa mga kumpanyang banyaga, upang magsilbi bilang mga manggagawa. Higit daw na pinipili ng mga dayuhang kompanya ngayon na ibase ang kanilang operasyon sa mga lugar kung saan mataas ang literacy rate at kung saan marunong ng Ingles ang mga mangagawa.

Malaki ang suliranin ng pagdadahilang ito. Una, nangangahulugan ito ng pagsuko sa mga kagustuhan ng mga dayuhan na pawang nais lamang samantalahin ang murang pasahod na matatagpuan sa mga bansang tulad ng Pilipinas. Kung ganyan na lamang ang ating iisipin, umasa na lamang tayo sa mga dayuhan upang iangat ang ating ekonomiya habang-buhay.

Isa pa, walang pagsasalin ng teknolohiya na nagaganap. Nasakyan na ng mga mauunlad na bansa tulad ng Amerika, Pransiya, Alemanya, at ng Hapon ang Ikatlong Daluyong (Third Wave) ng Teknolohiya. Nangangahulugan na may kapangyarihan, kakayahan, at awtonomiya na sila sa kung ano’ng teknolohiya ang nais nilang buuin. Sila ang nangunguna sa larangan ng teknolohiya. Ngunit hindi naisasalin sa mga bansang tulad ng Pilipinas ang mga teknolohiyang ito. Nagsisilbi lamang tayo bilang mga manggagawa nila.

Halimbawa na lamang nito ang Microsoft Philippines. Ayon sa Microsoft Philippines, nagsisilbi lamang tayo bilang distribution center ng Microsoft sa Asya. Hindi tinuturuan ang mga Pilipino na bumuo ng mga produkto ng Microsoft. Sa gayon, hindi nagkakaroon ang Pilipinas ng kapangyarihang bumuo ng mga teknolohiya na katulad ng sa Microsoft at palagi na lamang itong mag-aangkat ng produkto mula sa Amerika. Walang nagaganap na technology transfer.

Sa napipintong pagkabuwag ng mga hadlang sa pakikipagkalakalan na idudulot ng globalisasyon, mahalaga nga na makasabay ang Pilipinas sa agos ng panahon. Ngunit, itanong muna natin, “Anong mukha ang ihaharap ng Pilipinas sa mundo, gayong tila wala itong iisang mukha?”.

Ang Papel ng Wika sa Pagbubuo ng Bansa

Hindi pipitsuging papel ang gagampanan ng wikang Pilipino sa pagbubuo ng isang pambansang identidad o kaakuhan ng Pilipinas, lalo na sa kumukubabaw na konsepto ng globalisasyon. Mahalagang mabuo muna ang identidad ng isang bansa bago ito sumabak sa proseso ng globalisasyon. Kung hindi, malamang malamon ito ng mga higit na makapangyarihang kultura at mamatay ang higit na mahinang kultura bansang iyon. Sentido kumon ang magsasabi na sa kalagayang pangkultura at pang-ekonomiya ng Pilipinas sa kasalukuyan, madali tayong malalamon (kung hindi pa nga nangyayari) ng kulturang Amerikano at Kanluranin. Upang higit nating maunawaan ang papel na gagampanan at pati na rin ang mga suliraning kinahaharap ng wikang Pilipino sa pagbubuo ng pambansang kamalayan, ilang teoretikal na oryentasyon ang ilalahad namin.

May tinatawag si Zeus Salazar na “Pantayong Pananaw”, at ito ang kaganapan ng pagkabuo ng pambansang identidad. Apat na pananaw ang maaaring maging lumaganap sa isang lipunan: Ang Pantayo, Pangkami, Pangsila, at Pangkayo. Sa madaling sabi, tinutukoy ng mga ito ang punto-de-bistang ginagamit ng mga Pilipino kung nakikipag-usap sa mga banyaga o kaya’y sa mga kapwa Pilipino. Kung gagamitin ang Pangkaming pananaw, masasabing ang nagsasalita ay kabilang sa isang sistema o lipunan na kumakausap sa isang tagalabas tungkol sa kaniyang sistema o lipunan. Sa Pangsila, nagmumula ang tinig sa isang taga-loob (ng sistema o lipunan) patungo sa kapwa niya taga-loob ngunit tungkol sa banyaga o tagalabas ang ipinapahayag nito. Ang Pangkayong pananaw naman ay ginagamit ng isang tagaloob upang kausapin ang isang tagalabas tungkol sa kultura, halimbawa lamang, ng tagalabas na iton. Kung gayon, ganito ang sinasabi ng tatlong pananaw na ito: sa Pangkami, “Eto kami. Ganito kami.”; sa Pangsila, “Eto sila, at ganito sila.”; sa Pangkayo, “Kayo, ganito at ganiyan kayo.”.

Dalhin natin sa ibang nibel ang paglalapat ng tatlong pananaw sa ibang pangungusap. Sa Pangkami, “Eto kaming mga Pilipino. Ganito at ganiyan kami. Masipag kami. Maganda ang mga isla naming. Mura ang paggawa sa amin. Magaling mag-Ingles ang mga taga sa’min.” Sa Pangsila, “Eto ang mga ‘Kano. Ganito sila manamit at magsalita: Hey yo! Mahilig sila sa mga pelikulang maaksyon at MTV. (Kaya’t maghe-hey yo! na rin ako at magbababad sa panonood ng MTV.)”. Sa Pangkayo, “A! Kayong mga Pilipino, ang babaho niyo! Mga unggoy kayo! Ang tatamad ninyo!”.

Pamilyar ba ang mga linyang ito? Ang suliranin ng Pangkaming Pananaw (na siyang madalas namamayani sa mga kolonisado/dating kolonisadong bansa): Kailangang basbasan ng mga dayuhan ang kahit na anong gawa sa isang bansa. Kung hindi ito maituturing na maganda ng mga banyaga, hindi ito ituturing na maganda sa lipunang iyon.

Sa Pantayong pananaw naman, nagmumula ang tinig sa tagaloob, tungo sa tagaloob, at tungkol sa sistema o lipunang kinabibilangan ng mga tagaloob. Sarado ang sistemang ito at nagkakaunawaan ang lahat ng kabilang dito. Kung ano ang realidad para sa isa, siya ring realidad para sa iba. Kilala ng bawat isa ang sistema, at may kakayahan silang gumalaw bilang isa. Sa madaling sabi, may identidad o kaakuhan ang sistema o lipunang ito.

Ngunit hindi ganoon kadali ang pagbubuo ng Pantayong pananaw. Kinakailangang magkaintindihan ang bawat isa sa sistema. At magaganap lamang ito kung may iisang code, ang sariling wika. Ito ang nagiging daan ng mabisang pakikipagtalastasan sa bawat kasapi ng sistema, at dito rin napapalaman ang kultura, kaisipan, at diwa ng isang sibilisasyon:

Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang pagkakaroon ng iisang wika bilang batayan at daluyan ng pang-unawa at komunikasyon. (Salazar, 1988)

Ngunit kung isasaalang-alang natin ang pagiging dating kolonisadong bansa ng Pilipinas (sa teritoryal at pangkaisipang antas), makikita nating hindi madali ang makabuo ng isang Pantayong pananaw, ng Pambansang Identidad, at lalo na ng malawakang pagkaka-unawa sa sariling wika.

Ang Problema sa Wika ng mga Lipunang Sakop

Sa kaniyang sikolohikal na pag-aaral sa mga Negro ng Antilles na kinukubabawan ng mga koloniyalistang Pranses, nakabuo si Frantz Fanon ng isang pananaw tungkol sa relasyon ng mga (dating) kolonisadong sibilisasyon sa sariling wika nito. Para sa kaniya, tulad ng ating nasabi na, malaking papel ang ginagampanan ng wika:

To speak means to be in position to use a certain syntax, to grasp the morphology of this or that language, but it means above all to assume a culture, to support the weight of a civilization . . . Mastery of language affords remarkable power. Paul Valery knew this, for he called language ‘the god gone astray in the flesh’. (Fanon, 1968: 14)

Ayon pa kay Fanon, iniisip ng mga nasakop na higit silang magiging tao kung tutulad sila sa mga mananakop. Sanhi ng matinding panliliit na ipinadama sa kanya ng lahing puti, sisikapin ng isang Negro o Asyano na itaas ang kanyang sarili sa antas ng mananakop. Dulot ng tendensiya ng mga mananakop na maliitin ang mga kaugalian, pagpapahalaga, at kultura ng kanilang nasakop, maaaring a) maniwala ang sinasakop, b) naisin ng sakop na itakwil ang kanyang kultura at halinhan ito ng kultura ng mananakop, o, c) patunayang may kakayahan ang kanyang kulturang makapapantay sa kultura ng mananakop.

Halimbawa na lamang nito ang tinatayang “Unang Yugto ng Kritisismong Pamapanitikan sa Pilipinas.” Sa “Poetikang Tagalog” ni Virgilio Almario, inilahad niya ang mga unang halimbawa ng kritisismo sa Pilipinas. Kabilang sa kalipunang ito ang mga isinulat nina Fray Bencuchillo, Fray San Agustin, Jose Rizal, at Marcelo H. del Pilar. Sa mga sanaysay na ito, makikita ang tunggalian ng mga prayle at propagandista. Sa isang panig, tinatangkang patunayan ng mga prayle na walang panitikan ang mga Pilipino, o kung mayroon man, patunayang mababa ito kung ihahambing sa panitikang Kastila. Sa kabilang banda naman, pinilit ng mga propagandista na patunayan ang pagkakaroon ng isang taal at mapagmamalaking panitikan ng lahing Pilipino.

Binanggit din ni Fanon ang kongklusyon ni D. Westermann tungkol sa mga edukadong Negro, na nailathala naman sa magasing The African Today:

The Negroes’ inferiority complex is particularly intensified among the most educated, who must struggle with it unceasingly. (Fanon, 1968: 19)

Maiintindihan natin ang kanyang hinuha: To speak a language is to take on a world, a culture. . . .who wants to be white will be the whiter as he gains mastery of the cultural tool that language is. (Fanon, 1968: 29)

Ang Intelektwalisasyon ng Wikang Pilipino

Sa kanyang sanaysay na “Pilipino Para Sa Mga Intelektwal,” tinalakay ni Rolando S. Tinio ang dalawa sa maraming mga hadlang na kinahaharap ng wikang Filipino tungo sa intelektwalisasyon nito. Una, ipinalalagay ng mga Pilipino na walang kakayahan ang kanilang wika bilang wikang intelektwal. At ikalawa, nangangamba ang mga Pilipino na maiwan sa kaunlarang pag-iisip kung tumiwalag tayo sa wikang Ingles:

. . . ganito pa rin ang nangyayaring palagay – mabisang gamitin ang Pilipino sa mga karaniwang sitwasyon, ngunit sa mga sitwasyon espesyal, Ingles pa rin ang kinakailangan. (Tinio, 1975)

Sapagkat sa wikang Ingles napapalaman ang maraming dalumat at kaalaman, lalo na sa Agham at Teknolohiya, at Matematika, hindi maiiwasang dito mahasa ang mga intelektwal ng ating bansa (hindi namin sinasabing ang mga dalubhasa lamang sa Agham at Matematika ang mga intelektwal, ngunit tulad ng pagpapalagay ni GMA, sa mga propesyong ito nakasalalay ang pag-unlad ng bansa).

Ngunit hindi ito problema, kung sa mga terminong gagamitin ang pag-uusapan, ani Tinio:

. . . maaaring itawag ang anumang salita (katutubo o dayuhan) para sa mga bagay. Tulad ng sa mga ngalan ng tao, hindi kailangan ng makabuluhang pag-uugnay ng pangalan at ng pinapangalanan. (Tinio, 1975)

Katulad rin ng sinabi ni Fanon, kinilala ni Tinio ang kahalagahan ng wika. Para sa kanya, ito ang nagtataglay ng larawan o krokis ng diwa ng isang lahi. Makikita rito kung ano ang pinahahalagahan (tunay) ng isang lahi at kung ano ang walang katuturan (di-tunay).

Sa sanaysay naman ni Dr. Florentino H. Hornedo, “Ang Wikang Filipino Tungo sa Intelektwalisasyon,” higit nating mababanaag ang doble-karang paggamit sa wikang Filipino. Ayon sa kanya, dumadaan ang mga kabihasnan sa dalawang antas ng pag-unlad ng pag-iisip. Para sa pagpapahayag ng damdamin, ninanasa, o hangarin, ang Vital Thought o Diwang Buhay ang umiiral. Ngunit sa antas ng pagpapahayag ng mapanimbang na pag-iisip o pagmumuni (dulot ng mapanuring kamalayan), umiiral ang Reflexive Thought o Diwang Malay. Kung gayon, magkakatotoo lamang ang intelektwalisasyon ng ating wika, kung itataas natin ito sa antas ng Diwang Malay:

At magagawa lamang ito sa pamamagitan ng puspusang paggamit nito sa mga larangang intelektwal tulad ng pagtuturo sa antas tersiyaryo at eskwelahang gradwado, sa pagsulat ng mga akda sa pilosopiya, agham at teknolohiya. (Hornedo)

Kung gayon, mahihinuhang may kakayahan ang wikang Pilipino na pumantay sa wikang Ingles pagdating sa larangan ng Agham at Teknolohiya, pati na rin Matematika, Pilosopiya, at lalong-lalo na sa Humanidades. Kinakailangan lamang, marahil, ng tuloy-tuloy na paggamit at pagsasanay dito upang higit pang yumaman ang kalipunan nito ng salita at kakayahang pang-gramatika. Hindi nga naman ito yayaman ng katulad sa wikang Ingles kung hindi gagamitin sa mga larangang intelektwal, sa nibel ng Diwang Malay (ang mga espesyal na sitwasyong binaggit ni Tinio), at hindi lamang sa antas ng Diwang Buhay (ang pangkaraniwang sitwasyon).